27 ndUTCp31UTC07bUTCWed, 02 Jul 2008 18:03:31 +0000 2007

Pansamantala ko nang iniiwan ang espasyong ito, ang aking unang blog. Maraming salamat sa lahat ng naparaan dito. Kung anuman, nasa www.ayerarguelles.wordpress.com ngayon ang diwa ng lame ends. 

7 Pangungusap

27 thUTCp31UTC12bUTCThu, 20 Dec 2007 18:46:52 +0000 2007

Isang palabas ng pornograpiya ang palabasing totoo ang palabas. Nadala sa mainit na panayam ang magandang Europea upang sa huli ay bumigay sa panghihikayat na makipag-sex sa aktor. Higit sa biswal (ng hubo’t hubad nang Europea) ang pang-akit ng wikang pilit (mapangahas, marahas) pinapasok ang puwerta ng pribado at personal upang mapalabas doon ang higit pang nakalilibog sa manonood: ang piraso ng kaalaman sa hindi isinasapublikong pagtugon sa tawag ng laman. Waring ipinagkakaloob ang hiling at hilig. Masasal ang pintig ng mga pantig. Patuloy ang salsal ng salita. Dumudulas ang nasa sa dila. 

28 Pangungusap

27 ndUTCp31UTC10bUTCMon, 22 Oct 2007 07:19:54 +0000 2007

Hiniram namin (ni MJ) kina Kate at Max G. ang kanilang eksperimentong 7 sentences. Kaya heto ang 28 pangungusap.

* * *

MJ:
Gusto ko ang pagpapatakbo ng drayber ng bus na sinasakyan natin, mabilis pero suwabe. Pumikit ako at pakiramdam ko ay lumilipad. Naalala mong ikinuwento ko sa iyo nito lang na nanaginip akong lumilipad ako hawak ang maraming lobo? At habang lumilipad ako ay kailangang ipadyak ko ang mga paa ko to keep myself afloat, parang lumalangoy. Natutulog ka sa tabi ko. Matatawa ka na naman kung sasabihin kong mas nakakahinga ako nang maluwag sa tuwing sasalubong nang mabilis sa aking paningin ang mga puno sa center island ng Coastal Road. Kailangan kong matutong magpaubaya.

Mga limang taon na nang natibo ako ng isang sea urchin sa Galera; nilagyan lang ng mga tagaroon ng kalamansi at suka ang aking sugat, anila, hindi na ako malalasonpero ngayong limang taon na ang nakararaan, iniisip kong baka pinabagal lang ng kalamansi at suka ang pagdaloy ng lason sa dugo ko. Dalawang buwan na ang nakararaan, ibinalita sa TV na may pormalin ang White Rabbit; nakakaubos ako ng dalawampu nito sa loob ng isang araw simula noong Hulyo (Hulyo, Agostogaano karami kayang pormalin ang naimbak sa katawan ko?). Nitong nakaraang linggo, ibinalita na ang mga P3.00-isang calamares na nabibili sa mga kanto ay mga pusit na galing sa Tsina at nakababad sa pormalin (dagdag na pormalin sa katawan ko sa loob ng tatlong buwan na naloko ako sa pagkain nito?). Kanina sa bus, may sumakay na pamilya na bitbit hindi lang mga balutan (wari ko’y iyon na ang lahat nilang gamit) kundi pati ang dalawang pusa at isang asoaso sa loob ng rumaragasang ordinaryong bus sa Coastal Road! Paano kung magwala ang asong nasa tagiliran mo at makagat ka? Kahit pa may anti-rabies vaccine, maghihintay pa rin ang mga eksperto ng pitong taon pagkakagat bago masabing ligtas nga ang kinagat ng aso. OC o hypochondriac ako. O baka kailangan ko lang ng sapat na panahon para maunawaan ang pananampalataya (o malaman kung saan pupusta), pero baka naman hindi na nga kailangan pa.

M:
Istudyo. Mabilis at sunud-sunod ang pagkuha ng potograpo kay Ril na tuwang-tuwang naglalaro ng bula. Hinuhuli ang magandang kuha habang hinuhuli niya ang mga bula. Mabilis maglaho ang bula ngunit mas mabilis humuli ang liwanag. Maisisilid sa larawan ang bula at ang kasiyahan sa mukha ni Ril. Ngunit tayo’y walang pagsidlan ng kasiyahan. Samantala, si Ril ay nakasilid sa dalisay, perpektong kasiyahan.

Kay raming isda ngayon sa Tabon. Siguro’y may umapaw na palaisdaan o nabuksang prinsa. Kay bilis ng mga isda. Kay bilis nilang biglang pumihit o pumailalim sa munting kilapsaw. Ganyan din ang galaw ng isip ni Ril. Ang kaibahan nga lang, ang isip niya ay kapuwa tubig at isda. Kung minsan naman, ibon sa ibabaw ng tubig.

Hinggil sa Pagsasalin

27 thUTCp31UTC10bUTCThu, 11 Oct 2007 07:22:34 +0000 2007

May panayam sa akin hinggil sa pagsasalin ang makatang si Marc Gaba. Mayroon din siyang salin sa Ingles ng tula kong “Ang Katahimikang Wala Ako.” Maaari itong mabasa rito

Babél

27 thUTCp31UTC10bUTCTue, 09 Oct 2007 04:31:38 +0000 2007

Babél (High Chair, 2004) ang itinawag ni Mayo Uno Martin sa unang aklat niya ng tula at masasabing ang sitwasyon at lunan ng biblikong Babél, ang imahinaryong pinagmulan ng kaguluhan ng pagkakaiba-iba ng mga wika at ang “tarangkahan ng mga diyos,” ang agarang nililingon nito.

Gayunman hindi ang isang magulong mundo ang itinatanghal ni Martin. Sa halip ay mababanaag ang pagsisikap niyang tipunin ang mga labi—pira-piraso ng buhay na dulot ng hindi-kaayusan sa daigdig—ng karanasang personal o sa iba man. Ito sa wari ang nasa pusod ng pahayag sa pambungad na tula sa koleksiyon: “Sa isang piraso ng papel, / Hinahangad ng makata na ikintal ang lahat.”

Hangad na maikintal ang lahat, nagsasalita si Martin para sa sarili. Bagama’t imposibleng maikintal ang lahat (lalo’t sa isang piraso lang ng papel), wala namang masama sa bisyon/ambisyong ito. Hindi ba’t kung ang malalabi nga lang sa atin ay alaala, mas nanaisin nating buo ang alaalang maiiwan natin/sa atin? At kaya makatuturan ang tula (kahit sa isang piraso lang ng papel) ay dahil may kakayahan itong panatilihin sa mas mahabang panahon ang mga bagay na kay daling nawawala at mawawala sa atin?

Malawak ang abot at sakop ng paningin (at iba pang pandama) ni Martin na pinatutunayan ng Babél. Kaya magsalita man siya para sa sarili, hindi iyon sa himig ng isang nagmamalaking nagtamo na ng pambihirang karunungan kundi sa himig ng isang masigasig na imbestigador: pursigidong saliksikin at suriin (“sa paninging higit pa sa mga mata”) ang daigdig at ibahagi ang kaniyang persepsiyon.

Hope Not Abandoned

27 thUTCp31UTC10bUTCFri, 05 Oct 2007 04:13:00 +0000 2007

Kundi Akala (High Chair, 2004) is the fifth and latest poetry book of Allan Popa. His previous ones are Hunos, Morpo, Samsara, and Kami sa Lahat ng Masama, and these titles reveal a distinguishing trait: Popa’s collected poems constitute a complete cycle. While the poems can stand individual scrutiny outside the context of the collection to which they belong, clearly Popa prefers writing poems that manifest their constituency to the entire collection. Some of these poems were first published individually, rich and potent by themselves, but are now taken together with the rest of Kundi Akala to demonstrate a clear and deliberate adherence to a single yet complex trajectory.  

‘Desired Descent’  

“To come down by a movement in which gravity plays no part,” serves as epigraph of Kundi Akala. The line, from philosopher Simone Weil, is key to reading the collection. It suggests that the poems in the book desire a keen descent or a coming down—to what, we do not know, but it is not imperative to know anyway—stripped of the motion’s impelling need or its requisite. It is as though an absolute decision—steered by nothing but perhaps wisdom or enigma—is already in the hands of Popa’s first person speaker, his “I.” (Speaking in the first person point of view is a deliberate shift taken by Popa, who uses the third person point of view in his previous collection Kami sa Lahat ng Masama. This shift always makes for a more focused and fresher look on his subjects.) While what this descent is for is not relevant, the desire to perform the desired act (descent) without anything to prompt or compel the actor to do it is. To succeed in this desire is likewise unimportant; what is important is this desire itself being discoursed in and through the poems.        

In this ‘desired descent’ not affected/effected by gravity, one may observe how Popa essentially challenges even as he sustains in his new book his previous books’ projects. In Kami sa Lahat ng Masama, gravity, even if not the central discourse, is given great thought by Popa. Gravity that has force over all things on earth and has therefore connection to everything we do. In the beginning of Kami, for instance, Popa says: “Narito ang puso ng grabedad” (Mula sa Kailaliman). In Morpo he goes on: “Habang patuloy ang hatak ng grabedad / sa haba ng abang—” (Skylab) and “sa labí ng lahat ng pag-asa. // (grabedad)” (Ang Infiernong Nabubucsan)—and it is, it can be surmised, in the latter where Kundi Akala takes off. Listen to how it resonates in the first line of the opening poem in Kundi Akala, “Simula”:  

Nilisan ako ng lahat ng pag-asa ngunit nanatili ako.  

Indeed, the beginning.

I hazard to use “Simula” as representative poem of the book though it might not be in the heart of the collection. Also, may I add that no poem from among Popa’s books serves only as filler. Always each poem is part of the overall design and structure and the opening poem sets the course of the succeeding ones. I also take liberty to say that “Simula” is indeed a metaphor for the beginning of the book, hence the title (ironic, given that Popa almost completely abandons the use of metaphors in the poems—in “Pahina,” he says plainly, “Una kong itinapon palabas ang mga talinghaga.”).  

Furthermore “Simula” illustrates the book’s objective. For example, to be able to begin the ‘descent,’ Popa must make certain his persona’s (which is also the persona of the whole collection) state, albeit without naming or identifying the persona other than telling readers that all it is is “nalabíng katawan at isipang pugad ng mga salita.” Only from ascertaining this state can the logic and reason of the poems spring thus. Which is why in as early as in the first poem, Popa declares what might be the thesis (Nilisan ako ng lahat ng pag-asa) and antithesis (ngunit nanatili ako) of the collection; and from there it can fairly be supposed that the synthesis will be the arc of the book. That Popa eloquently fuses such oppositions in just one line, in a language unadorned, is to experience very fine poetry. 

‘Abandon hope…’

“Nilisan ako ng lahat ng pag-asa” sums up, albeit in negation, all the possible experiences of the persona—experiences that, when read in their enormity, can easily overcome the persona if not for “ngunit nanatili ako.” We know the difference it makes; for how grave is it to lose hope while life still clings to one? Is Popa’s speaker then already dead? Maybe a spirit or soul?  Is the persona likened to Virgil who speaks to Dante, “No man am I, though once / A man I was—” as we also recall from both “labí ng lahat ng pag-asa” and “Nilisan ako ng lahat ng pag-asa” the admonition “Abandon hope, all ye who enter here” in Canto 3 of the Inferno? Does the persona come from hell? Possibly.  Nevertheless, this persona is neither the soul nor spirit, nor as with Dante, “spectre from the shades.” Because here, the persona is left with “katawan / at isipang pugad ng mga salita.” If I may further suppose: it is not that the persona is the soul or the spirit, but that the persona possesses no soul from the start. (Popa will probe on the soul’s creation in “Kung Paano Nalilikha ang Kaluluwa.”) It merits an inquiry into why the persona should own no soul, i.e., soul in the Judeo-Christian belief. Because the soul, believed to reap in the afterlife the consequences of its corporeal acts, thus carries more weight. Reason tells us that, somehow, to ‘descend by a movement free from gravity,’ the persona must be incorporeal.  

Is not Popa’s speaker pure energy then, pure consciousness or intellect? The Intellect that Keats differentiates from the Soul in his “Soul-making”? The possibilities remain. Popa’s speaker may also be taken as Orpheus who always looks back to witness the dissolution of the beloved (muli’t muling lumilingon upang saksihan ang pagkagunaw ng inibig).  This may explain why the speaker is in the ruins (guho), that is, for an Orphic speaker, a place for Song (lunan ng bawat pag-awit). And if we plainly and simply construe ‘hope’ to equal ‘beloved,’ then it may make sense too why the persona, ostensibly, has lost hope (nilisan ng pag-asang nakiraan lamang sa katawan)—because it has lost the beloved. However Popa’s persona remains resolute, undaunted (hanggang mawalan ng loob), and ardent; saying “nananatili siya” at “maisusulat niya ito” —whatever takes place the persona can, and will, write about them. Because to write about them is not to abandon hope. This conviction, I think, represents the astonishing push and pull, the big paradox, of Kundi Akala: the seeming inevitable retreat of the persona to despair apparent on the surface may prove in the end (i.e., at the end of our reading the collection) as a triumph of will.  

“Lumbay”

27 thUTCp31UTC10bUTCThu, 04 Oct 2007 04:37:44 +0000 2007

Halos isang dekada na mula nang una kong mabasa ang tulang “Lumbay” ni Rolando S. Tinio. May nagpahiram sa akin noon ng aklat na Antolohiya ng mga Piling Nagwaging Akda sa tula sa Palanca, dekada 80. Si Tinio ang nagwagi ng unang gantimpala sa taong 1989, para sa kaniyang koleksiyong “Himutok at Iba Pa.” Bagama’t nagustuhan ko lahat ng tula mula sa nagwaging koleksiyon ni Tinio na isinama sa nasabing antolohiya, ang natatanging tumimo sa akin ay ang kaniyang tulang “Lumbay.” Kinikipkip ko sa dibdib ang tulang ito hanggang ngayon at itinuturing kong pangunahin sa mga pinagsimulan ng marubdob kong paghahangad makapagsulat ng tula. Narito ang “Lumbay.”

Nalulumbay ang puno ng goma sa gilid ng bulibard
At ang puno ng akasya sa likod ng goma.
Mukhang uulan sa buong mundo.
Wala na ang mahal ko, iniwanan ako.

Nalulumbay ang tubig na laging kulay-abo
At ang tatlong bapor na kulay-kalawang sa laot,
At sa likod, ang ulap na parang tinggang natunaw.
Wala na ang mahal ko, iniwanan ako.

Nakatungo ang mga dahon ng niyog,
Marahang pakampay-kampay
Sa hanging humahampas, naglalarong
Anaki’y mga batang walang kamalay-malay
Sa talas-kutsilyo, talas-labaha ng lumbay.

At naalala ko ang isang awit na puno ng hinagpis,
Parang sugat na humahapdi, lalong tinitistis.
At naalala ko ang wala nang mahal ko
Na naparaan sa aking mundo,
Parang ulap na bumitin nang ilang saglit,
Saka nagpatuloy sa maraming lakad sa himpapawid
At, sa tingin ko, hindi na, hindi na babalik.

Himig, sa pangkalahatan, ang masasabi kong unang humibo sa akin sa tula. Himig na, sa kabila ng pamagat at masasabing paksa ng tula, hindi ko masasabing malumbay kundi mapaglimi. Mapag-isip at mapagmasid. Himig ng malumanay na tinig ngunit tiyak ang mga binibitawang salita. Halos nadarama ko at nadirinig sa tainga ng isip ang bawat hakbang ng salita sa pahina. Halos tahimik na umuusad. Gusto ko ang ganitong himig.

Sa patuloy na pagbasa sa tula, at sa patuloy na pag-aaral tumula, marami pa akong nagustuhan sa “Lumbay.” Nagustuhan ko ang halos simetrikong saknungan ngunit lumalaktaw rin sa halos eksakto at tila kahong anyo ng tula. Bunga ang ganito ng sa pakiramdam ko ay natural na haba ng hininga sa pananaludtod. Hindi sinukat, walang tradisyonal na tugmaan, ngunit may sadyang musika na natamo sa mahusay na pagpili at pagsasaayos ng mga salita gayundin sa epektibong paggamit ng mga tayutay at iba pang poetikong aparato.

Naibigan ko rin ang malinaw na paglikha ng imahen sa tula. Mula sa unang saknong na pagpinta ng “Nalulumbay (na) puno ng goma sa gilid ng bulibard / At ang puno ng akasya sa likod ng goma” hanggang sa huling saknong na pagtukoy sa “Parang ulap na bumitin nang ilang saglit, / Saka nagpatuloy sa maraming lakad sa himpapawid” ay matagumpay na napipili ni Tinio ang mga espesipikong bagay at detalye upang magpahiwatig, magpadama ng hinahangad niyang epekto. Patuloy rin niyang pinalalakas ang imahen upang paigtingin pa ang pagkabuo ng damdamin hinggil sa inilalarawan—halimbawa’y hindi sapat sa kaniya ang “malumbay na puno ng goma” lamang kaya kailangan pa ang malumbay ring “puno ng akasya sa likod ng goma.” Gayundin, wari’y hindi sapat ang “talas-kutsilyo” kaya isusunod niya agad ang “talas-labaha ng lumbay.”

Marami pang maidaragdag na katangian ng tula kung ipagpapatuloy ang maingat at masaklaw na pagsusuri rito. Gayunman, hindi ko kinailangan noon ang mabusising paghimay sa tula upang makapangusap ito sa akin. Nangusap ito sa akin sa paraang hindi ko maipaliliwanag. Mahiwaga. Narinig ko ang mga salita. Ang katahimikang lumiligid sa mga salita sa kinalalagyang espasyo.

Lunan ng Liwanag

27 ndUTCp31UTC10bUTCTue, 02 Oct 2007 04:47:16 +0000 2007

Malaki at grandiyosong pagtatanghal ang opera. Agad maiisip ang seryoso at mabigat na musika, elegante at marangyang gayak ng mga musikero at artista, at pambihira kung hindi man kaakit-akit na disenyo ng produksiyon at tanghalan. 

Hindi ang nabanggit sa itaas ang maituturing na opera sa aklat na Third World Opera (1987, New Day) ni Simeon Dumdum Jr., makatang nagsusulat sa Ingles at Cebuano. Operatibo sa aklat ni Dumdum ang “Third World.” Napaaangkin ang kaniyang opera sa pinagsiputan nitong “mundo” at agarang humihiwalay sa opera ng mga bansang kabilang naman sa “First World.” 

Sa gayon sa simula pa’y mamamalayan na ang kaibahan ng kaniyang proyekto sa matutukoy na inaangkat ng salitang opera. Mahihiwatigan din agad ang tunguhing maging “politikal” ng mga tula dahil sa kargang mga pakahulugan ng praseng Third World. Gayunman hindi ang politikal sa Opera ang ibig kong bigyang-halaga rito (bagama’t iyon ay maaari at nararapat ding talakayin sa ibang pagkakataon) kundi ang poetikong sensibilidad na umiiral sa mga tula sa koleksiyong ito.

Walang anumang pagmamalaki sa poetikong sensibilidad ni Dumdum. Walang pagpapakitang-gilas at sadyang pagtataas ng boses upang magpapansin.  Napakanipis nga ng kaniyang koleksiyon kung pisikal na anyo ang pag-uusapan. Binubuo ng 37 maiikling tula (ang pinakamahabang title-poem ay may 43 linya ngunit ang taludturan nito naman ay kagyat at mabilis: may dalawa hanggang lima o anim na salita lang ang bawat linya, sa madaling salita, lakoniko), umaabot lang sa 51 mga pahina ang aklat kasama na ang introduksiyon at sa nipis nga nito ay madali itong halos mawala pag napasingit sa makakapal na libro sa isang shelf. 

Ngunit hindi ito ang sukatan ng tula. Hindi ang makapal na tomo o ang mahabang akda. Mangangailangan ng marami at malawak na talakay bago maitakda, kung maitatakda kahit arbitraryo, ang batayan ng pagkatula ng tula. Ano’t anuman, madalas na mapagmuni (halimbawa, sa “Axioms”) ang tahimik bagama’t buong tinig ni Dumdum. Naroon ding nanunudyo (tingnan ang “Third World Opera”) kung minsan. Ngunit ang hinding-hindi nawawala sa kaniyang mga pangungusap ay ang pagkamangha. “Dumdum has retained the primal sense of wonder…” ani Edith Tiempo sa pasakalye niya sa Opera. Sa kalakhan, ang pagkamanghang ito ang magbubukas sa mambabasa sa itinatanghal na daigdig ng koleksiyon—ang daigdig ng imahinasyon.

Kahanga-hanga na kay lawak ng imahinasyon ni Dumdum ngunit napananatili niyang halos napakagaan at napakasimple ng pagpapahayag nito nang hindi nawawala ang bisa sa kabuuan ng tula.

Tingnan ang “An Examination of a Detail on an Earthenware.”

Sleep came.
It surprised the two kittens during feeding
while the cat was urged on to somnolence
by the tug on her paps.

The first kitten sticks its head
under the right ear of the second
so that the ear is between the two ears
of the first.  Erect, they stretch outward

like the three limbs of a star.
The tails are kept in
except one put out, an adolescent S,
ruffled and useless…

So they sleep on a square
of sunshine, which I leave,
which becomes a point of light
                                on the belly
of a blue jar.

Kay iksi ng unang linya ngunit isang buong pangungusap: “Sleep came.” Mapanaklaw rin ito. Sa pagpasok pa lang ng unang salita (sleep), waring nilagom na ang lahat sa pinasukang daigdig ng tula—ang “tulog (pagtulog)” ay tila isang malaking telon na tumabing sa atin—at pagbagsak ng kasunod na kataga (came)— nasa loob tayo ng tabing ng tula sa isang iglap.

Gayong alam nating ang tinutukoy na “dinalaw ng antok” ay ang mga kuting (nasa ikalawang taludtod: “It surprised the two kittens during feeding”). Sa ganito, mahihinuha pang nagsisimula sa gitna ng pangyayari ang tula (in medias res), bagama’t ito’y ang iniisip lang ng persona (ang tumitingin o nagsusuri) na siyang nangyari bago naiguhit ang detalye ng mga tulog na kuting sa isang banga (earthenware).

Matindi ang kapangyarihan ng tulog. At mahihiwatigang may preokupasyon dito si Dumdum kung babalikan pa ang una niyang aklat ng tula, The Gift of Sleep (1982, New Day) at kung sisipatin ang lawas ng Opera, mapapansing paborito niya ang katagang somnolent at umiiral ito sa mga tula.

Kagyat na kaugnay ng tulog ang panaginip—isang natatanging aktibidad ng utak (sinasabing sa subconscious na bahagi) at maituturing na hiwalay sa gawain ng imahinasyon bagama’t manipis na linya lang ang pagitan ng dalawang ito—na kung isusulong pa ay tiyak na makapagbibigay ng dagdag na mga saray ng pagbasa.

Pansining hindi lang ang mga kuting ang ginulat ng tulog—inuudyok din nito ang inahing pusa sa pag-idlip (“urged on to somnolence”) kahit pa nga ang pinagigitaw na tagapagpakilos ng antok/tulog sa pusa ay ang “tug on her paps.” Hindi maikakailang ipinamamalay lang sa atin ni Dumdum sa unang saknong ang gayong hibo ng antok/tulog bago tayo iduyan sa ikalawa at ikatlong saknungan: ang mismong detalyeng pinagmamasdan.

Magkasanga ang mga saknong 2 at 3: inilalarawan ang ayos (imahen) ng himbing na mga kuting. At waring sinasalamin ng persona ang pinag-aaralang detalye sa banga sapagkat malinaw na dinidetalye sa atin ng persona at masasabing hinihigit (ng makata sa kaniyang nilikhang tula) ang mga detalye tungo sa iba pang pagtingin, na sa isang banda ay siyang layunin ng pagsusuri (examination).

Dapat linawing hinihigit—hindi hinihigitan (basahin: hindi labis na pagbasa). Gamit ang mga tayutay na paghahambing at metapora, ihahayag ng persona ang mga tainga ng kuting na, “Erect, they stretch outward // like the three limbs of a star.” At ang buntot na nakalabas ng isang kuting bilang “an adolescent S, / ruffled and useless…” (sa akin ang mga italiko).

Pagkaraan ng pagsusuri sa detalye, lilisanin ng persona—ngunit maparikalang sa pagkakataong ito lang din niya itatanghal ang sarili (“So they sleep on a square / of sunshine, which I leave”) bilang paghuhudyat wari ng inaasahang paglayo (distansiya) ng tumitingin sa tinitingnan—na dala ng kabatirang ang narating niya (at narating ng mambabasa) ay isang lunan ng liwanag (“a point of light”)—ang lunan ng imahinasyon (maaaring basahing “kariktan”)—at maipapalagay na isa ring katotohanan para sa persona lalo pa’t iaalingawngaw ang aporismo ni John Keats (“Beauty is truth, truth beauty”) sa “Ode on a Grecian Urn” at marahil di-kalabisang maihahakang inspirasyon kung hindi man sadyang padron ni Dumdum sa tulang ito.  

Hinggil sa Salimuot

27 thUTCp30UTC09bUTCThu, 27 Sep 2007 04:13:27 +0000 2007

Naniniwala ako na ang tula, sa esensiya, ay kaugnay, kung hindi man agarang sinonimo, ng kagandahan. Kaya madalas, sa aking bokabularyo, hindi ko matanggap kapag sinabing “pangit na tula.” Para sa akin, walang pangit na tula. Sa isang banda, hindi ko naman itinuturing na kalabisan kung sasabihing “magandang tula.” Ano’t anuman, ang mayroon lang, sa palagay ko, ay tula. Ang iba ay maibibilang na sa mga kategoryang pangit na berso at hindi tula. 

Napakahigpit ng mga kahingian at pamantayan ng tula. Kahit pa nga sabihing ang mga kahingian at pamantayang ito ay subhetibo, nananatili ang mga itong napakahigpit sa tunay na makata. Kahit pa nga muli’t muling itatanong at hindi talaga matitiyak kailanman kung ano nga ba ang mga kahingian at pamantayang ito ng tula, nananatili ang mga itong nakaugat sa konsepto ng kagandahan, ng malawak na kagandahang sumasakop maging sa ating mga preperensiya at pagkakaiba ng pagtingin.   

“Ang kagandahan ay masalimuot,” wika ni Ezra Pound. Mahirap itong pasubalian. Tumingin lang tayo sa paligid at kahit anong likha na nagtataglay ng kagandahan ay nagtataglay ng salimuot. Ang tula, na isang likhang sining, na nagtataglay ng kagandahan kung gayon ay nagtataglay ng salimuot. Tila nga komplemento ng kagandahan ang salimuot. At ang totoo, kahit ang pinakasimpleng tula ay nagtataglay ng salimuot. Sapagkat kung ang simple ay maganda (dahil wala ring simple na pangit—maiaakyat lang ang simple sa “maganda” ngunit hindi maibababa sa “pangit”), ito kung gayon ay may salimuot. 

Maidaragdag ding wala naman talagang simpleng tula. Maaaring sa ating pagbasa, simple ang isang tula. Simpleng presentasyon, malinaw; nauunawaan natin o madaling nauunawaan. Ngunit ang proseso ng pagtula ay hindi simple lang. Walang mga linyang sukat mahulog lang sa pahina. Kahit iyong mga sinasabi nating “handog na tula” o “galing sa musa.” Dumadaan ang lahat sa paghuhubog ng makata. Samakatwid, kung ang nababasa natin ay isang simpleng tula, iyon ay patunay ng husay ng makata. Kinakalas wari ng makata ang salimuot ngunit hindi tinatanggal. Nananatili ang salimuot at mababakas sa pinakapayak mang tula ang talinong umiiral at naghahawak dito, na gaya rin ng naghahawak dito sa isang masalimuot na tula. 

May kagandahan ang salimuot. Kaya iba ang “salimuot” sa “kaguluhan.” Totoong may kahirapan ang masalimuot na tula ngunit maaari itong mapasok at sa gayon ay makapagpayaman sa ating pagdanas sa tula. Ang masalimuot na tula ay masasabing may “maayos na kaguluhan” at handang magpaubaya sa maalam na mambabasa. Handang magpakalas-magpabuo-magpakalas-magpabuo ang salabid ng lohika at katwiran sa pang-unawa. Ang salimuot ay nagpapalawak pa sa abot ng tula at sa pagdanas dito ng mambabasa. Ang kagandahan ng salimuot ay pinahihintulutan tayo na maging bahagi ng ganitong pagpapalawak kung ibig natin. Ang salimuot bilang taglay ng kagandahan, bilang taglay ng tula ay hindi iyong nagtataboy ng ating interes kundi iyong pumupukaw at nag-aanyaya sa atin sa mabungang pagpaloob sa tula.