“Lumbay”
27 thUTCp31UTC10bUTCThu, 04 Oct 2007 04:37:44 +0000 2007
Halos isang dekada na mula nang una kong mabasa ang tulang “Lumbay” ni Rolando S. Tinio. May nagpahiram sa akin noon ng aklat na Antolohiya ng mga Piling Nagwaging Akda sa tula sa Palanca, dekada 80. Si Tinio ang nagwagi ng unang gantimpala sa taong 1989, para sa kaniyang koleksiyong “Himutok at Iba Pa.” Bagama’t nagustuhan ko lahat ng tula mula sa nagwaging koleksiyon ni Tinio na isinama sa nasabing antolohiya, ang natatanging tumimo sa akin ay ang kaniyang tulang “Lumbay.” Kinikipkip ko sa dibdib ang tulang ito hanggang ngayon at itinuturing kong pangunahin sa mga pinagsimulan ng marubdob kong paghahangad makapagsulat ng tula. Narito ang “Lumbay.”
Nalulumbay ang puno ng goma sa gilid ng bulibard
At ang puno ng akasya sa likod ng goma.
Mukhang uulan sa buong mundo.
Wala na ang mahal ko, iniwanan ako.
Nalulumbay ang tubig na laging kulay-abo
At ang tatlong bapor na kulay-kalawang sa laot,
At sa likod, ang ulap na parang tinggang natunaw.
Wala na ang mahal ko, iniwanan ako.
Nakatungo ang mga dahon ng niyog,
Marahang pakampay-kampay
Sa hanging humahampas, naglalarong
Anaki’y mga batang walang kamalay-malay
Sa talas-kutsilyo, talas-labaha ng lumbay.
At naalala ko ang isang awit na puno ng hinagpis,
Parang sugat na humahapdi, lalong tinitistis.
At naalala ko ang wala nang mahal ko
Na naparaan sa aking mundo,
Parang ulap na bumitin nang ilang saglit,
Saka nagpatuloy sa maraming lakad sa himpapawid
At, sa tingin ko, hindi na, hindi na babalik.
Himig, sa pangkalahatan, ang masasabi kong unang humibo sa akin sa tula. Himig na, sa kabila ng pamagat at masasabing paksa ng tula, hindi ko masasabing malumbay kundi mapaglimi. Mapag-isip at mapagmasid. Himig ng malumanay na tinig ngunit tiyak ang mga binibitawang salita. Halos nadarama ko at nadirinig sa tainga ng isip ang bawat hakbang ng salita sa pahina. Halos tahimik na umuusad. Gusto ko ang ganitong himig.
Sa patuloy na pagbasa sa tula, at sa patuloy na pag-aaral tumula, marami pa akong nagustuhan sa “Lumbay.” Nagustuhan ko ang halos simetrikong saknungan ngunit lumalaktaw rin sa halos eksakto at tila kahong anyo ng tula. Bunga ang ganito ng sa pakiramdam ko ay natural na haba ng hininga sa pananaludtod. Hindi sinukat, walang tradisyonal na tugmaan, ngunit may sadyang musika na natamo sa mahusay na pagpili at pagsasaayos ng mga salita gayundin sa epektibong paggamit ng mga tayutay at iba pang poetikong aparato.
Naibigan ko rin ang malinaw na paglikha ng imahen sa tula. Mula sa unang saknong na pagpinta ng “Nalulumbay (na) puno ng goma sa gilid ng bulibard / At ang puno ng akasya sa likod ng goma” hanggang sa huling saknong na pagtukoy sa “Parang ulap na bumitin nang ilang saglit, / Saka nagpatuloy sa maraming lakad sa himpapawid” ay matagumpay na napipili ni Tinio ang mga espesipikong bagay at detalye upang magpahiwatig, magpadama ng hinahangad niyang epekto. Patuloy rin niyang pinalalakas ang imahen upang paigtingin pa ang pagkabuo ng damdamin hinggil sa inilalarawan—halimbawa’y hindi sapat sa kaniya ang “malumbay na puno ng goma” lamang kaya kailangan pa ang malumbay ring “puno ng akasya sa likod ng goma.” Gayundin, wari’y hindi sapat ang “talas-kutsilyo” kaya isusunod niya agad ang “talas-labaha ng lumbay.”
Marami pang maidaragdag na katangian ng tula kung ipagpapatuloy ang maingat at masaklaw na pagsusuri rito. Gayunman, hindi ko kinailangan noon ang mabusising paghimay sa tula upang makapangusap ito sa akin. Nangusap ito sa akin sa paraang hindi ko maipaliliwanag. Mahiwaga. Narinig ko ang mga salita. Ang katahimikang lumiligid sa mga salita sa kinalalagyang espasyo.